NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MATAPOS isnabin ang patawag ng Kamara sa ikatlong pagkakataon, pinatawan ng ‘contempt’ ang apat na opisyales ng Office of the Vice President (OVP) na target na imbestigasyon kaugnay ng di umano’y paglustay ng pondo ng gobyerno.
Kabilang sa mga OVP official na na-cite in contempt ng House Committee on Good Government and Accountability na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua sina Lemuel Ortonio, Gina Acosta, Sunshine Fajarda at Edward Fajarda sa bisa ng mosyon na inihain ni House Deputy Speaker Jayjay Suarez.
Kasunod nang paglabas ng contempt citation, inirekomenda ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop na tumatayong vice chairman ng komite, na isyuhan ng warrant of arrest ang apat na OVP execs para ikulong ang mga opisyal sa loob ng Kamara hanggang matapos ang imbestigasyon at maisumite ang ulat ng komite para sa plenary approval.
“This timeframe is beyond what the committee would normally allow,” wika ni Suarez sa nakaambang pag-aresto sa apat na opisyales ng tanggapan ni VP Sara.
Bukod sa warrant of arrest, pasok na rin sa immigration lookout bulletin order ang pangalan ng apat na opisyales na pawang nagpasabi ng hindi pagdalo.
Bagamat “no-show” ang mga imbitadong OVP officials, isang Atty. Emily Torrentira, kasama ang apat na iba pa ang sumipot sa pagdinig ng komite bilang kinatawan ng OVP — sina Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Chief Accountant Julieta Villadelrey, Budget Division Chief Edelyn Rabago, at Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Teñido.
Gayunpaman, hindi tinanggap ng komite si Torrentira na walang bitbit na dokumentong patunay na siya’y inatasan ni VP Sara para tumayong kinatawan ng OVP.
Samantala, binigyan naman ng House Committee on Good Government and Public Accountability ng konsiderasyon si Atty. Zuleika Lopez na nagtungo sa Estados Unidos para kalingain ang kamag-anak na may karamdaman. Si Lopez ang tumatayong chief of staff ni VP Sara.
Diskumpiyado naman si Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez sa paliwanag ni Lopez, na aniya ay halatang pag-iwas sa pagdinig, ksabay ng hirit na beripikahin muna ang aniya’y alibi ng chief of staff ni VP Sara.
“The testimony of Ms. Zuleika Lopez is crucial. If we allow her excuse, other resource persons might follow,” babala pa nito. “They can run, but they cannot hide anymore.”
Sa kabila ng duda ni Fernandez, kinatigan ng komite ang mungkahi ni Acop na muling mag-isyu ng subpoena kay Lopez, bilang konsiderasyon na sinegundahan naman ni Suarez.
Tungkol naman sa apat na opisyal ng OVP na pinatawan ng contempt, sinabi ni Chua na ‘hindi katanggap-tanggap’ ang kanilang mga paliwanag.
Sa mga liham na ipinadala sa komite, ipinaliwanag nina Ortonio, Acosta, at ng mag-asawang Fajarda na hindi sila makadadalo dahil sa mga gawain ng OVP sa Caraga, Panay Island, at Negros Island na nangangailangan ng kanilang personal na presensya, ayon sa kanilang mga opisyal na travel order.
Ayon kay Suarez, sapat na ang pgbibigay ng komite sa mga opisyal ng OVP.
“Let’s not forget, Mr. Chair, that these are public officials. It is their duty to appear and explain how the funds in question were spent,” giit pa nito.
Nakatuon ang imbestigasyon ng komite ukol sa pamamahala ng P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa OVP at Department of Education (DepEd).
Kabilang sa mga alegasyon ang maling paggamit ng OVP ng P500 milyong confidential fund at karagdagang P125 milyon ng DepEd sa ilalim ng pamamahala ni Duterte bilang Kalihim ng tanggapan.
Una ng pinuna ng Commission on Audit (COA) ang halos kalahati ng kabuuang pondo, at disallowed fund na nagkakahalaga ng P73 milyong na ginastos ng OVP sa loob ng 11 araw sa huling bahagi ng 2022.
Sa apat na pagdinig, walang opisyal ng OVP ang dumalo.
Pinag-aralan ng komite ang mga dokumento mula sa COA, Department of Budget and Management, DepEd, at iba pang mga ahensya, habang ang mga resource persons ay nagbigay ng kanilang mga pananaw ukol sa paggamit ng pondo.
Ayon kay Chua, nakakaalarma ang naging paggasta ng tanggapan ni VP Sara ng OVP funds para sa medical at food aid, dahil sa mga kaduda-dudang acknowledgment receipts.
Pinasinungalingan din ng mga miyembro ng Philippine Army ang pahayag ng DepEd na ang mga confidential fund ay ginamit para sa Youth Leadership Summits.
Pinaninindigan naman ng OVP na ang kanilang mga paliwanag ay nasa mga dokumentong isinumite sa COA.
“There are questions that the documents themselves can’t answer. This is why we need the presence of these officers. Sila lang po ang makakasagot sa mga katanungan natin,” giit pa Chua.