NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASABAY sa pagbibigay papuri niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglagda sa CREATE MORE (Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy) Law, tiwala si Speaker Martin Romualdez na magbibigay-daan ang bagong batas sa katuparan ng mithiing mapanatili at makapag-enganyo pa ng maraming mamumuhunan sa bansa para makalikha ng mas maraming trabaho at oportunidad sa mga Pilipino.
Ayon kay Speaker Romualdez, isa sa mga pangunahing may-akda ng naturang batas, layunin din ng CREATE MORE ayusin ang mga kalituhan at hindi pagkakaunawaan tungkol sa mga insentibo sa buwis na ibinigay ng CREATE law sa mga lokal at pambansang korporasyon mula nang isabatas noong Marso 2021.
Sinabi ng lider ng Kamara na pangunahing katangian ng orihinal na batas ay ang pagbaba ng corporate income tax mula 25 percent hanggang 20 porsyento, alinsunod sa global trends.
Subalit, bagamat tatlong taon pa lamang ang batas, may mga reklamo na mula sa ilang kapitalista tungkol sa umano’y hindi malinaw na mga probisyon, lalo na ang mga insentibo sa value-added tax.
“To resolve these issues, and to encourage these investors to remain in the country and keep their workers employed, we found it necessary to amend the law,” anang House Speaker.
“We acted fast to make adjustments in the law to preserve existing investments and to attract additional capital,” dagdag pa niya.
Paglalahad ng Leyte lawmaker, ang bagong bersyon ng CREATE MORE Law ay halaw sa mga investment missions ng Pangulo sa ibang bansa “sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga deductions sa kita sa buwis at pagpapadali ng mga proseso kaugnay ng VAT.”
Binigyang-diin niya na inaasahan na magbubunga ng P1-trilyong halaga ng investments ang mga biyahe ni Marcos.
Sinabi ng House Speaker na ang mga pagbabago sa CREATE law ay hindi nagbabalik sa mga benepisyo mula sa pagbaba ng corporate income tax at ang pagbibigay ng iba pang mga insentibo sa buwis.
Aniya, isa sa mga reklamo ng mga mamumuhunan ay may mga hindi pagkakaayon sa orihinal na batas at sa mga ipinatupad na mga patakaran at regulasyon (IRRs).
“We hope the changes will satisfy our existing investors and entice more foreign capitalists to invest in the country. The enactment of the new law signals our unwavering commitment to keep and attract investments that will preserve jobs and create more opportunities for our people.”
