
Ni Estong Reyes
HINIKAYAT ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gamitin at paunlarin ang potensyal ng sining at kulturang Pilipino para mapaigting ang “soft power” ng Pilipinas.
Sa kanyang interpellation sa isinagawang briefing sa Senado hinggil sa panukalang budget ng DFA sa 204, binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Pilipinas ng “impluwensya” sa mundo ng sining, kultura, at sports.
“Kapag sinabi mong power, it’s basically the ability to get someone else to act the way you want them to act,” wika ni Cayetano.
Dagdag niya, naipapakita ito sa iba’t ibang paraan tulad ng “authority, legitimacy, influence.”
“If you talk about visual artists, paintings, sculptures, grabe ang potential natin,” pahayag niya.
Ibinigay niyang halimbawa ang maunlad at sikat na kultura at performing arts ng South Korea, na naging dahilan upang agad maging isang “soft power” ang naturang bansa
“In love na in love ang marami sa kultura ng Korea. Therefore, for example, if their pop stars come here and advocate against teenage pregnancy or better immigration status for Koreans, [people support it],” pahayag niya.
Ani Cayetano, na nagsilbing DFA Secretary noong 2017-2018, pwedeng paglaanan ng budget ng DFA ang pagbubuo ng mga “Filipino town” sa ibang bansa para mas makilala pa ang sining at kulturang Pilipino, tulad ng ginawa ng South Korea.
Dagdag ni Cayetano, malaki ang potensyal ng simpleng pagpapamalas ng kulturang Pilipino para mapalakas ang impluwensya ng Pilipinas sa ibang bansa, tulad ng kung paano naging kaibigan at kaalyado ng Pilipinas ang East Timor matapos ang matagumpay na hosting nito ng Southeast Asian Games noong 2019.
“We welcomed them [warmly]. Siyempre, mahirap din na bansa so lahat ng accommodations ginawa natin [para sa kanila] noong SEA Games. Hindi daw nila makalimutan ‘yan,” aniya.
“For such small things that we would do for anyone – kasi hospitable naman ang Pilipino – it’s such a lasting impression,” dagdag niya.