Ni EDWIN MORENO
MATAPOS ang hindi sinasadyang pagkadiskumbre ng 20 bloke ng cocaine sa karagatan ng Eastern Samar, isang mas malalim nan imbestigasyon ang ikinasa ng Philippine National Police (PNP) bunsod ng suspetsang nakapasok na sa bansa ang drug syndicate na nakabase sa South America.
Sa isang pahayag ng PNP Public Information Office, inamin ni Police Col. Jean Fajardo na ang pagkakasabat ng droga sa Eastern Samar kamakailan ay hindi ang unang pagkakataon.
Katunayan aniya, ang naturang insidente at pangatlong major cocaine recovery na mula 2009.
Paglilinaw ni Fajardo, hindi pa tukoy kung saan galing at saan patungo ang cocaine shipment. Gayunpaman, kumbinsido aniya ang PNP na mula sa isang sindikatong nakabase sa South America ang natiisod na droga.
Kabilang umano sa sinisilip ng PNP ang posibilidad na ginagamit lamang ang Pilipinas bilang transit point, at hindi para sa local distribution, lalo pa’t maliit lang ang market ng cocaine sa bansa.
Batay sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) shabu ang may pinakamaraming parokyano sa bansa. Nasa pangalawang pwesto naman ang marijuana.
Gayunpaman, iginiit ni Fajardo, walang puwang sa PNP ang pagiging kampante, kasabay ng paglalahad ng aniya’y mas pinaigting na pagbabantay ng karagatang sakop ng Pilipinas – sa tulong ng PDEA, Philippine Coast Guard at Philippine Navy.
Para sa tagapagsalita ng PNP, hindi biro ang dami ng nakumpiskang cocaine na nalambat ng mga lokal na mangingisda sa karagatan ng Barangay Tangbo, bayan ng Arteche, sa nasabing lalawigan.
