MULING binuhay ni Senador Risa Hontiveros nitong Martes ang sariling panawagan na kaagad pagtibayin ang Senate Bill 147 (Dissolution of Marriage Act) na pakikinabangan ng inaabusong kababaihan.
Binigyang-diin ng senador na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality, na napapanahon nang kumilos ang Kongreso sa patuloy na pagdami ng pang-aabuso sa loob mismo ng tahanan.
“Some Filipino women have almost been killed by their own husbands. But most of them cannot leave their marriages because of the prohibitive costs of filing for an annulment. Bigyan na natin ang ating mga kababaihan ng pagkakataong makalaya sa masalimuot at abusadong pagsasama. Bigyan natin sila ng oportunidad na mahalin at magmahal muli. Ipasa na ang Divorce Bill,” ani Hontiveros, na may-akda ng panukala.
Ayon sa 2017 National Demographic and Health Survey ng Philippines Statistics Authority, isa sa apat na babaeng edad 15 hanggang 49-anyos na may asawa, ay nakaranas ng karahasan sa kamay ng kanilang asawa – pisikal man, sekswal o emosyonal.
Iniulat din ng mga survey na karamihan sa mga sumasang-ayon sa diborsyo ay mga babae.
“When a marriage becomes irreparable, it is incumbent upon the State to not only provide relief to spouses, but also protect children from the pain, anxiety, and trauma of witnessing regular marital clashes. Let us give Filipino families the chance to let go of toxic relationships,” ani Hontiveros.
Sa isang pag-aaral ng Social Weather Station, 53% ang sang-ayon gawing legal ang diborsyo. Ang isa pang survey – mula naman sa Catholic Radio Veritas noong 2018, ay nagpakita na 52% ang “lubos na sumasang-ayon” o “medyo sumasang-ayon” sa naturang panukala.
Panawagan ni Hontiveros sa mga kapwa mambabatas, paspasan ang pagpapatibay ng kanyang panukala, matapos aprubahan ng Kamara – sa prinsipyo – ang mga panukalang batas na nagtatakda para sa dissolution of marriage.
“Our counterparts in the House have already been making the moves to help our country catch up with the rest of the world. The Senate must do the same. Past surveys have demonstrated that the majority of Filipinos favor divorce to be instituted in the country. We better listen to our people,” aniya pa.
“We are the only country, aside from the Vatican, that doesn’t have divorce. As a secular state, this is not something to be proud of. This only shows how left behind we are in addressing the needs and recognizing the lived experiences of our people. 2023 na, wala pa ring divorce. It’s time to change this,” pagtatapos ng senadora.