Ni JAM NAVALES
NAIWASAN sana ang paglaganap ng tigdas at pertussis kung naging maagap lang ang Department of Health (DOH), ayon kay AnaKalusugan partylist Rep. Ray Reyes kasabay ng mungkahing rebisahin ang vaccination program ng gobyerno.
Para kay Reyes, hindi katanggap-tanggap na nahaharap ang bansa sa mga karamdaman na pwede naman aniyang iwasan kung hindi tumamlay ang bakunahan.
Kasabay ng pagdiriwang ng World Immunization Week, nanindigan ang Vice Chairman ng House Committee on Health sa kahalagahan ng puspusang bakunahan kontra tigdas, pertussis at ibang nakakahawang karamdaman.
“It is unacceptable that news of measles and pertussis outbreaks come amid our celebration of World Immunization Week. We call on the Department of Health (DOH) to urgently review our vaccination program. We need to make sure that our kababayans remain protected especially against preventable diseases,” pahayag ni Reyes.
Base sa datos ng DOH, patuloy ang pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng pertussis. Katunayan aniya, umabot na sa 1,566 ang tinamaan, habang sumampa na rin sa 1,817 cases ang kabuuang bilang ng mga nagkatigdas mula Enero hanggang Abril – limang beses na mas mataas kumpara sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Panawagan ni Reyes sa mga magulang, tiyakin kumpleto sa bakuna ang mga supling.
“Libre po ang bakuna sa ating mga centers. Pertussis and measles are preventable diseases at napakahalagang mabakunahan ang mga bata laban dito. Kaya hinihimok po natin ang ating mga kababayan na huwag mag-atubiling pabakunahan ang kanilang mga anak,” paalala pa ng kongresista.
Hiniling din niya sa DOH na patuloy namang labanan nito ang disinformation campaigns hinggil sa programang pagbabakuna nito.
“Simula po noong pandemya, naging kalat na ang fake news na maraming side effects ang mga bakuna. Nakikiusap po tayo sa ating mga kababayan na huwag maniwala sa mga ito. Hinihimok din natin ang DOH at mga LGU na palawigin ang mga programang nagpapakita sa ating mga kababayan na ligtas at kailangan ang mga bakuna lalo na sa mga bata,” aniya pa.
Dagdag pa ni Reyes, ang mga bata ay maaaring maprotektahan mula sa pertussis sa pamamagitan ng pagkakaroon ng five-in-one DPT-HepB-HiB vaccine, na tinatawag ding pentavalent vaccine, na proteksyon laban sa diphtheria, pertussis, and tetanus; hepatitis B; and Haemophilus influenzae type B.
Habang ang measles, mumps, rubella (MMR) vaccine ay maaaring ibigay sa mga batang ang minimum age ay 12 months. Ang two doses naman ng MMR vaccine, na ang second dose ay kadalasang binibigay sa bata pagsapit ng apat hanggang anim na taong gulang.
