
SA hangaring palakasin at paunlarin ang mga economic zones sa iba’t ibang bahagi ng bansa, iminungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano amyendahan ang batas na lumikha ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Sa ilalim ng Senate Bill 2674 na akda ni Cayetano, partikular na isinusulong ang pagbebenta ng lupain sa ilalim ng pangangasiwa ng BCDA – katulad ng ginawa sa Fort Bonifacio na isa na aniyang maunlad na distrito.
Paglilinaw ng senador na dating chairman ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises, mandato ng BCDA bilang isang government-owned and controlled corporation (GOCC) pagyamanin at pakitain ang mga nakatiwangwang na lupain sa loob ng mga dating base-militar.
Gayunpaman, kailangan muna bumalangkas ng isang master plan at strategic disposition guidelines para tiyakin ang maayos ang makabuluhang paggamit ng espasyo sa loob ng mga dating base militar kanilang ang Clark Freeport and Special Economic Zone, Camp John Hay, Bataan Export Processing Zone, and Poro Point Freeport Zone.
“The heart of this bill is allowing the sale of five-plus-five percent of our former military bases, especially the Clark Freeport and Special Economic Zone, Camp John Hay, Bataan Export Processing Zone, and Poro Point Freeport Zone,” pahayag ni Cayetano sa kanyang interpellation kasama si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III nitong December 10, 2024.
Kasama sa mga panukalang amyenda ang pagpapalawig ng corporate term ng BCDA ng karagdagang 50 taon at ang pagsasalin ng bahagi ng kita mula sa pagbebenta ng lupa sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Pension Fund.
Para kay Cayetano, ang mahigpit na patakaran ng BCDA sa pagmamay-ari ng lupa sa loob ng mga dating base militar ang pumipigil sa pag-unlad ng mga economic zones.
“There are different degrees of success. Ang success ng BGC (Bonifacio Global City) ay may mga elements siya na wala sa Clark (Freeport and Special Economic Zone), and one of those elements is land ownership,” wika niya.
“Ang nangyari po kasi ay namili yung mga developers sa labas ng Clark. Kung masyadong controlled yung market sa labas, mahihirapan yung mga workers,” dugtong ng senador.
Lubos naman ang paniniwala ng senador na ang strategic selling ng mga lupa ay makikinabang ang lahat ng stakeholder.
“As long as it is limited to this five-plus-five percent, it will be a win-win-win — win for the workers, win for the developers, and win for the BCDA,” aniya pa.
Ibinahagi ni Cayetano kung paano nakatulong ang pagbebenta ng bahagi ng mga dating military bases, tulad ng Fort Bonifacio, sa Taguig City sa mabilis na pag-unlad ng siyudad.
“Kung ipinagbawal ang pagbebenta ng lupa noon sa Fort Bonifacio, BGC will not be BGC as it is now,” wika niya.
“With all my heart, it is a privilege to be the sponsor of this bill. I thank the BCDA and the former presidents for the opportunity to push for this.” (Estong Reyes)