
BINABALAK ng Department of Justice na humingi ng tulong sa United Nations upang arestuhin ang puganteng si Arnolfo ‘Arnie’ Teves, dating Negros Oriental Representative kung saan tinatakan bilang terorista at nahaharap sa mga kasong murder.
Sa press briefing ngayong Miyerkoles, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nasa huling yugto na rin sila sa paggawa ng kahilingan sa UN. Hindi naman nagsabi si Remulla kung kalian nila ito isusumite.
Iniipon pa rin umano nito ang kakailanganing dokumento upang iselyado ito sa UN kung saan idiniin ang pagiging terorista ni Teves.
“We view it as our responsibility towards the UN, enabling them to fulfill their duty of informing all member states about the duty of rendition, which is to arrest individuals like Teves and his associates and return them to the Philippines,” ayon pa kay Remulla.
Si Teves, kasama ang 12 iba pa, ay opisyal na itinuring na terorista ng Anti-Terrorism Council (ATC). Ang pagkakasangkot ni Teves sa iba’t ibang pagpatay sa kanyang pribinsiya at panggigipit ang ilan sa mga dahilan upang ituring itong terorista.
Dahil dito, nagpalabas ang Manila Regional Trial Court ng arrest warrant laban kay Teves at mga kasama nito sa pagpaslang kay provincial governor Roel Degamo at iba pang sibilyan.