SA gitna ng mga agam-agam sa umano’y napipintong pag-aresto kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi itatago ng gobyerno sa publiko ang paglabas ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) — kung meron man.
“Walang sikreto rito. Kapag nandiyan na ang warrant of arrest, assuming na sa amin i-transmit, tungkulin naming sabihin na may warrant of arrest, ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez sa isang panayam sa telebisyon.
Para kay Martinez, walang dahilan ang departamento para itago ang isang mandamiento de arresto lalo pa aniya’t kailangan ipatupad ang anumang warrant alinsunod sa batas — lokal man o pandaigdigan.
“Ayon sa batas at international law, kailangan pa rin pag-aralan ng DOJ kung paano ipatutupad ang isang warrant of arrest bunsod ng nakabinbin petisyon ni Senador Dela Rosa sa Korte Suprema.”
Nang tanungin kung may impormasyon na ang kagawaran sa kinaroroonan ng senador, sinabi ni Martinez na wala. Aniya, walang impormasyon lalo pa’t hindi naman umano pugante o akusado si Dela Rosa.
Hindi rin aniya trabaho ng DOJ tuntunin o dakpin ang mambabatas.
Hangga’t wala aniyang hawak na ICC warrant at hindi nakikipag-ugnayan ang Interpol o ICC, walang implementasyon na magaganap. (JULIET PACOT)
