SA gitna ng usap-usapang bagong balasahan na ikinakasa ng Malakanyang, umibabaw ang pangalan ni Health Secretary Teodoro Herbosa sa talaan ng mga sisibakin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga susunod na linggo.
Ang dahilan — nauumay na umano ang Pangulo sa dami ng reklamo laban kay Herbosa.
Kabilang sa mga tinukoy ng Alliance of Health Workers ang umano’y hindi awtorisadong paglabas ng P44.6 milyong halaga ng psychiatric drugs sa Rotary Club of Quezon City, na alinsunod sa umiiral na panuntunan ay hindi kwalipikadong mamahagi ng gamot.
Pasok din sa alegasyon ng grupo ang umano’y paglalabas ng “authorization” para sa P1.29 bilyong cash advance ng UNICEF para sa bakuna at iba pang gamot na anila’y nananatiling unliquidated.
Kamakailan lang, pormal na naghain ng reklamo ang umano’y pakikialam ni Herbosa sa procurement process ng P1.8 bilyong halaga ng mobile primary care facility units.
