
HINDI na nagawa pang makapagtimpi ng mga transport groups hinggil sa di umano’y pwersahang implementasyon ng polisiyang sukdulang pasakit sa mga motorista.
Subalit sa halip na protesta sa kalsada, idinaan na lamang ng mahabang talaan ng mga transport groups ang pagkadismaya sa pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyales ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO).
Sa isinampang kaso laban kina DOTr Secretary Jaime Bautista, Transportation Undersecretary Reinier Paul Yebra at LTO chief Jose Arturo Tugade, target ipawalang-bisa ang implementasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) sa pagpaparehistro ng mga sasakyan.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon na tumatayong abogado ng iba’t ibang public transport groups, inihain ang Petition for Certiorari Prohibition sa Regional Trial Court (RTC) na nakabase sa Lupon, Davao Oriental, kung saan partikular na hiniling sa husgado ang pagbabasura ng Department Order na nagbigay-daan sa pagbabalik ng PMVIC.
Para kay Torreon, malinaw na panggigipit ang polisiya ng dalawang nabanggit na ahensya ng gobyerno – bukod pa sa wala naman aniya ang PMVIC sa umiiral na batas at reglamento sa land transportation.
Pasok rin sa kahilingan sa ilalim ng petisyon sa husgado ang pagrerebisa sa implementasyon ng Land Transportation Management System (LTMS).
Kabilang sa mga signatoryo sa kaso laban kina Bautista at Tugade ang mga grupong Ang Kaligtasan sa Kalsada; National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP); National Public Transport Coalition (NPTC); Association of Committed Transport Organizations Nationwide Corporation (ACTONA); Arangkada Riders Alliance Inc. (Motorcycle Riders) at Lupon Pedicab Operators Drivers Association at iba pang transport groups sa Davao Region.