MATAPOS ipatigil ang paglilimbag ng mga balota para sa nalalapit na halalan, naglabas naman ng Temporary Restraining order (TRO) ang Korte Suprema, kasabay ng direktiba sa Commission on Elections (Comelec) na baliktarin ang diskwalipikasyon ng tatlong iba pang local candidates.
Sa desisyon ng Korte Suprema, inatasan ang Comelec na isantabi ang pinagtibay na resolusyon na nagbasura sa petisyon ng isang Marie Grace David na humalili sa hindi tinukoy na kandidato sa posisyon ng vice mayor sa Limay, Bataan.
Pinigilan din ng hukuman ang paglabas ng Comelec resolution na nagdeklara sa isang Mary Dominique Oñate bilang nuisance candidate sa pagka-alkalde ng Palompon, Leyte.
Pansamantala ring pinakansela ng Korte Suprema sa poll body ang implementasyon ng cancellation sa Certificate of Candidacy ni Aldrin Sta. Ana na tumatakbo bilang vice-mayor ng Bocaue, Bulacan.
Paglilinaw ni Comelec Chairman George Garcia, hindi pa nagsisimula ang Comelec mag-imprenta ng balota matapos lumabas ang utos ng Korte Suprema na itigil ang paglilimbag ng balota bunsod ng desisyon ng hukuman pabor kay dating Congressman Edgar Erice na naghain ng kandidatura para muling magsilbing kinatawan sa Kamara ng lungsod ng Caloocan.
Bagamat nanghihinayang sa P132 milyong halaga ng nasayang na balota, tiniyak ni Garcia na tatalima ang poll body sa atas ng Korte Suprema.
