PARA kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia, napapanahon nang isulong ang batas na magbibigay-daan para maging krimen ang paghahain ng kandidatura para lang guluhin ang halalan.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Garcia ang mga nuisance candidates na aniya’y dahilan sa likod ng nasayang na anim na milyong inimprentang balota.
“Nuisance candidacy, dapat gawing criminal yan. Kung hindi kulong, dapat patawan ng multa bilang parusa,” wika ni Garcia, kasunod ng inilabas na temporary restraining order ng Korte Suprema laban sa diskwalipikasyon nina senatorial bet Subair Mustapha at congressional candidate Edgar Erice – bukod pa sa tatlong local bets.
Kalakip ng TRO ang direktiba sa Comelec na ihinto ang paglilimbag ng balota para isama sa talaan ng kandidato ang mga pinaborang kandidato.
Hirit ni Garcia, amyendahan ang Omnibus Election Code kung saan nakasaad na ang nuisance candidacy ay isang “legal” at “constitutional” na usapin.
Alinsunod sa Comelec Rules of Procedure Part V, Rule 24, “any candidate is identified to have no bona fide intention to run for public office if she/he puts the election process in “mockery or disrepute or to cause confusion among the voters by the similarity of the names of the registered candidates or who by other acts or circumstances.”
“May disconnect na ang batas natin na umiiral, sa ating ipinatutupad na automated election.”
“Wala ring makakapigil sa SC na mag-issue ng pansamantalang remedyo… Ipinapakita natin ang pag-respeto sa Korte Suprema, sa rule of law,” aniya pa.
Pag-amin ng Comelec chief, nakakapanghinayang ang P132 milyong (katumbas ng P22 kada kopya) nagastos para sa anim na milyong balota.
