HIGIT na magiging abala ang Department of Migrant Workers (DMW) ngayong taon, ayon kay Secretary Hans Cacdac kasabay ng pag-amin na napipintong pagbitay sa 38 manggagawang Pilipino sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sa kabila ng masamang balita, tiniyak ni Cacdac na patuloy ang nakatutok ang kagawaran sa sitwasyon ng mga sentensyadong migranteng manggagawa.
Karamihan aniya sa mga Pinoy na nahaharap sa parusang kamatayan ay hinatulan kaugnay ng kasong pagpatay at ilegal na droga. Pinakamarami rin aniya ang Pinoy death row convicts sa Saudi Arabia.
Garantiya ng DMW chief sa mga kaanak ng mga Pinoy na hinatulan ng parusang kamatayan, tutulong ang pamahalaan sa anumang paraan – kabilang ang pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng bansa kung saan lumabas ang hatol.
Bukod umano sa legal assistance, tiniyak din ni Cacdac ang tulong ng gobyerno sa mga pamilya ng mga “distressed OFWs.”
