SA gitna ng kabi-kabilang patutsada sa mala-pork barrel na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), binasag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang pananahimik kasabay ng giit hindi politiko ang tumutukoy sa mga benepisyaryo.
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang pasaring ni retired Supreme Court Chief Justice Antonio Carpio na nagsabing walang pinag-iba ang AKAP sa pork barrel system ng mga trapo (traditional politicians).
Itinanggi rin ng Kalihim na mga opisyal ng barangay ang namimili ng mga mabibiyayaan sa programa.
Paglilinaw ng DSWD chief, mga social workers ng kagawaran ang nagpoproseso ng mga aplikasyon para sa AKAP at nagdedesisyon sa halaga ng ayudang matatanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
“With due respect to the former Supreme Court Justice, AKAP is not a pork barrel. Any good Samaritan can refer potential beneficiaries, and barangay officials have no role in the selection process as outlined in our guidelines,” wika ni Gatchalian.
Ang orihinal aniyang layunin ng AKAP protektahan ang mga minimum wage earners mula sa epekto ng inflation o taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo, na nagpapababa sa purchasing power na kakarampot na sweldo.
Sa alegasyong mga opisyal ng barangay ang nagsusumite ng listahan ng mga benepisyaryo ng AKAP, binigyang-diin ni Gatchalian na hindi ito nakasaad sa mga alituntunin ng programa
Nakapaloob sa panukalang 2025 national budget na inaprubahan ng Kongreso ang P26 bilyong pondo para sa AKAP.
