
HALOS pumalo sa P5-bilyon ang nagastos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa pagpapalimbag ng mga bagong polymer o plastic banknotes, batay sa resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA).
Ayon sa COA report, inaprubahan ng Monetary Board ang limang supply contract sa fourth quarter ng 2023 sa halagang P4.98 bilyon para sa materyales at pagpapagawa ng mga bagong banknotes sa ilalim ng New Generation Currency Series of P1,000, P500, P100 at P50 denominations.
Hulyo 13, 2023 nang iginawad ang unang kontrata sa British printing company De La Rue International Limited sa halagang 4.497 million euros (katumbas ng P269.524 milyon) para sa paggawa ng 150,000 bundles ng P50 denominations.
Nasungkit naman ng Germany-based Giesecke+Devrient Currency Technology GmbH noong Setyembre 28, 2023 ang supply at delivery contract ng 200,000 bundles ng P500 “finished banknotes with enhanced security features and tactile marks” sa halagang 11.751 milyong euros (katumbas ng P727.475 milyon).
Noong Oktubre 19, 2023, iginawad naman ng BSP ang kontrata sa Papierfabrik Louisenthal GmbH para sa “supply and delivery of 75,200 reams of 100-Piso enhanced New Generation Currency Banknote Paper.” Ang halaga ng kontrata – 42.431 milyong euros (katumbas ng P2.605 bilyon).
Nakuha rin ng Germany-based major firm ang isa pang kontrata noong Nobyembre 16, 2023 para sa supply at delivery ng 51,020 reams ng P50 denominations sa halagang 18.542 milyong euros (katumbas ng P1.113 bilyon).