
Ni Estong Reyes
KAHIT napatunayan na may ilang opisyal ng pulisya ang sangkot sa illegal drugs, lantarang kinontra ni Senador Ronaldo “Bato” Dela Rosa ang pananaw ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay na lamang sa militar ang operasyon laban sa droga.
Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng pambansang pulisya sa panahon ni Duterte na kapag ibinigay sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pamamahala sa drug operations, magkakaroon ng malaking trahedya sa bansa.
Ganito ang tugon ni Dela Rosa sa pahayag ni Duterte na dapat magbitiw ang buong PNP at hayaan ang AFP na gawin ang drug ops dahil maraming pulis ang sangkot ngayon sa illegal drug trade.
“Itong tonelada na in the hands of the police, in the control of the police without a suspect until now, I think ang police mismo nasa droga na. Hindi lang ‘yan sa proteksyon or they are trying to cover up… Ang pulis mismo napasukan na, sila na mismo ang sindikato. Kaya wala na kayong maturo na iba eh, kayo mismo,” ayon kay Duterte.
Partikular na tinutukoy ni Duterte ang sinasabing cover-up sa 990 kilo ng shabu na nakumpiska noong nakaraang taon sa kanyang panahon na nauna nitong pinabubulaanan.
Ngunit ayon kay Dela Rosa, ipinakikita lamang ni Duterte ang kanyang kabiguan o frustration sa drug trade sa kabila ng paglulunsad ng drug war ng nakaraang administrasyon.
“Intindihin na lang natin ‘yan. Lalong lalo na kapag nakita mo na parang nasayang ‘yung six years na pinaghirapan mo. Lahat-lahat binuhos mo, lahat ng pwedeng harapin, hinarap mo na tapos ngayon parang dahan-dahang nawawala na parang bula. Talagang kaya ganun ka-frustrated ang dating Pangulo,” ayon sa mambabatas.
“Kung hahantong tayo sa direksyon na ipagbawal na ang PNP sa operation ng droga, hay naku, we’ve been there and have done that. Nakita natin ang resulta noon. Kawawa ang Pilipinas kapag mag-hands off ang PNP sa droga. Kawawa,” giit niya.
Inihayag din ni Duterte na dapat patawan ng parusang kamatayan ang sinumang opisyal ng pulisya na tinaguriang Ninja cops na nagre-recycle ng droga pabalik sa lansangan sa kanilang nakukumpiska.
Ngunit, ayon kay Dela Rosa, hinihikayat lamang ni Duterte ang pulisya na mas pagandahin ang gawain nito saka iginiit na hindi naman lahat sangkot sa droga. “Medyo masakit din naman sa iba na madamay. Kokonti lang ‘yung siraulo diyan,” aniya.