DAHIL sa napakabagal na proseso sa pagbibigay ng prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), maraming drayber na ang napipilitang mag-operate kahit walang prangkisa o mas kilala bilang kolorum, ayon sa transport network vehicle services (TNVS) group.
Ayon kay Jun de Leon, Presidente ng LABAN TNVS, kakaunti lamang ang provisional authority o case numbers na naaprubahan at maraming aplikante ang hindi makapag-operate at naka-standby lamang.
“Hindi biro ito para sa mga driver at operator dahil nawawalan kami ng kita. Sa halip na tumagal lamang ng ilang araw ang pagre-release nga provisional authority ay tumagal na ito ng tatlong buwan at nakapagtala na ang TNVS sector ng pagkawala ng kita na aabot sa kalahating bilyong piso,” giit ni de Leon.
Aniya, maraming TNVS ang may mga dismissed at expired franchise na makakapagbigay sana ng trabaho at oportunidad para sa marami, bukod pa sa makakatulong din ito sa ekonomiya para maibsan ang transport crisis.
Ngunit dahil sa napakabagal na proseso ng pagbibigay ng prangkisa, maraming drayber na umano ang napipilitang mag-operate kahit walang prangkisa o mas kilala bilang kolorum na delikado umano para sa maraming konsyumer dahil wala itong kaakibat na pagsiguro ng kaligtasan nila.
“Maliban sa matagal na pagpoproseso ng prangkisa, isang problemang kinakaharap ng TNVS ang pagkakaroon ng probisyon na maaari lamang gamitin ang sasakyan nila sa loob ng 7 taon matapos ang araw na nagawa ang sasakyan. Malaking dagok ito para sa mga driver at operator ng TNVS dahil liliit ang panahon upang mabawi ang kanilang kapital, nais ng grupo na magkaroon ng validity ng 12-15 na taon dahil limang taon ang ginugol nil sa pagbabayad sa kanilang sasakyan,” ayon pa kay de Leon.
“Hindi dapat ang mga drayber at operator ang sasalo sa mga pagkukulang ni (LTFRB Chair Teofilo Guadiz III. Hinahamon namin siya na paunlarin pa ang sistema ng pamamahala sa loob ahensyang ito, pabilisin ang mga serbisyo kagaya ng pag-apruba ng mga prangkisa o di kaya naman ay MAG-RESIGN na siya,” giit ng Presidente ng LABAN TNVS.