SA gitna ng mga pagsubok na kinakaharap ng bansa higit na kailangan magkaisa ang Kamara, ayon kay House Speaker Faustino Dy kasabay ng panawagan sa mga kapwa kongresista na isantabi muna ang pansariling interes para manumbalik ang tiwala ng sambayanan.
Bukod sa mga mambabatas, hinikayat din ni Dy ang mga kawani ng Kongreso na manatiling nakatuon sa tapat na serbisyong publiko.
Nanindigan din ang lider na Kamara sa kakayahan ng Kamara lampasan ang anumang hamon kung may pagkakaisa sa pagtugon sa pangangailangan ng bansa.
“Ilang buwan pa lamang ang nakalipas mula nang pagkatiwalaan tayo na pamunuan ang institusyong ito. Sa totoo lang, napakalaki ng hamon at suliranin ating nadatnan. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi ako natinag—dahil alam kong hindi ako nag-iisa. Kasama ko kayo. Kasama ko ang tapang, talino, at puso ng bawat kinatawan at bawat kawani dito sa Kapulungan,” pahayag ng House Speaker sa isinagawang flag-raising ceremony sa Batasan Complex.
“Mga kasama, malinaw ang hamon sa ating lahat: Magkaisa. Magtulungan. Isantabi ang pansariling interes para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.”
Ngayon aniya ang tamang panahon para maging sandigan ng katatagan ng bansa ang Kamara at ang gamitin ang oportunidad nang malinaw, matapat at may pagkakaisa.
“Kung may panahon mang hinihingi ang pagkakaisa, iyon ay ngayon na. Kung may pagkakataon mang dapat magpamalas tayo ng lakas ng loob at paninindigan, iyon ay ngayon na rin. Kung may puwang man para maging liwanag tayo sa gitna ng dilim ng kaguluhan, pagdududa, at maling impormasyon—ito na ang tamang panahon,” saad ng lider ng Kamara.
Binigyan-diin ng kauna-unahang House Speaker mula sa lalawigan ng Isabela ang pangmatagalang reporma ay nangangailangan din ng pagpapakumbaba, kooperasyon at pananampalataya, na makakamit ng mayroong nagkakaisang hangarin at tiwala sa Diyos.
“Kayang-kaya natin itayo ang isang Kongresong tapat, makatao, makabayan, at tunay na nagsisilbi. Kayang-kaya nating maging instrumento ng pagkakaisa at paghilom ng ating bayan,” sambit pa niya. (ROMER R. BUTUYAN)
