PALAISIPAN sa isang partylist congressman ang patuloy na pagbaba sa bilang ng maralitang benepisyaryo ng isang programa sa kabila ng pagtaas ng taunang budget na inilalaan ng Kongreso sa naturang ahensya.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Solid North Partylist Rep. Ching Bernos ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kasabay ng panawagan na paghusayin ang proseso sa pagkakaloob ng libreng training at scholarship grant sa hanay ng mga mahihirap.
Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), lumalabas na mula taong 2018 hanggang 2022, walang puknat ang pagbaba sa bilang ng poor beneficiaries sa TESDA training programs.
Pinuna rin ng Solid North partylist lady lawmaker ang obserbasyon ng PIDS sa pamamahagi ng scholarship budget ng TESDA. Aniya, hindi naaayon sa poverty incidence ng bawat rehiyon sa bansa o pagtukoy sa lugar kung saan higit na nangangailangan ng libreng technical o vocational courses.
Giit ni Bernos, marami ang umaasa sa TESDA training upang magkaroon ng maayos na trabaho kung kaya marapat lamang aniyang matiyak ng ahensya na ang mga indibidwal na dapat ay mabigyan ng libreng pagsasanay at mula sa sektor ng maralita.
“These are trainings that could give out-of-school youth, informal workers, and the unemployed the chance to find jobs amid increasing competition,” saad pa ng mambabatas.
Kinatigan ni Bernos ang naging rekomendasyon ng PIDS sa TESDA na gamitin ang database ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Philippine Identification System sa pagberipika ng aplikasyon o pagtukoy ng mga magiging benepisyaryo sa libreng pagsasanay.
Iminungkahi rin niya sa TESDA na regular na makipag-ugnayan sa local industries at local government units sa pag sisigurong ang mga ibinibigay nitong pag-aaral o kasanayan ay akma sa pangangailangan ng labor sector.
“Lalo na sa panahon ngayon na marami at mabilis ang mga pagbabago dahil sa teknolohiya, mahalagang laging updated ang ating mga course offering para hindi mapag-iwanan ang maging relevant pa rin ang matututunan ng mga trainees.”
