
WALANG sisipot na Mrs. Myla Roque sa mga susunod na pagdinig ng quad committee kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa illegal POGO.
Pag-amin ni Laguna Rep. Dan Fernandez, tumakas na palabas sa Pilipinas si Ginang Myla Roque — asawa ni dating presidential spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Fernandez, isang warrant of arrest ang naghihintay kay Ginang Roque dahil sa kabiguang dumalo sa patawag ng quad comm. Partikular na pinagpapaliwanag ang kabiyak ng dating palace official sa nilagdaang lease agreement sa mga Chinese nationals na sangkot sa illegal POGO operation sa Bamban, Tarlac.
Kabilang rin sa sinisilip ng quad comm sa hinihinging Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang biglang paglaki ng yaman ng mag-asawang Roque sa panahon ng panunungkulan ni former President Rodrigo Duterte.
Sa hindi pagdalo, inatasan din ng quad comm si Mrs. Roque na magsumite ng medical certificate para bigyang-katwiran ang hindi pagdalo sa pagdinig ng Kamara. Gayunpaman, sa halip na medical certificate, reseta ng doktor ang pinadala sa komite.
“Unfortunately, wala na sila. They evaded the hearing. As a matter of fact, I think she went out of the country prior to us asking her for those certifications coming from the hospital,” wika ni Fernandez.
“I think it’s an Asian country. It’s either Singapore or Malaysia,” dagdag pa niya.
Samantala, tiniyak naman ng Bureau of Immigration (BI) na bantay sarado na sa kawanihan ang galaw ng asawa ng former presidential spokesperson.
Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, Setyembre 3 pa wala sa Pilipinas si Mrs. Roque— at hindi pa diumano bumabalik ng bansa.
”Sa ating tala, si Mrs. Myla Roque is out of the country since September 3, her lookout bulletin was issued September 16,” ani Sandoval.
Gayunpaman, nilinaw ni Sandoval na walang record sa pag-alis patungo sa ibang bansa si Harry Roque na di umano’y nasa immigration lookout bulletin ng kawanihan.