NI ESTONG REYES
Malaki ang paniniwala ni Senador Sherwin Gatchalian na maipapasa ng Kongreso ang batas na magbabawal sa pagtatayo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa bago matapos ang 19th Congress.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gatchalian na nakatakdang magpulong na ang isang technical working group sa Huwebes upang bigyang prayoridad ang panukala sa harap ng pagbabawal sa POGO ng administrasyon.
“Sigurado naman. Meron pa tayong time,” ayon sa senador matapos tiyakin ang pagpapatibay ng panukala bago sumapit ang takdang araw sa hudyat ng pagpasok ng Hunyo ng susunod na taon.
“Simple lang naman itong bill. Hindi siya complicated. Plus, may pronouncement na ni Pangulo. So, formalities na lang ito. Kaya naman aprubahan ito before the 19th Congress ends,” dagdag niya.
Nitong Hulyo, inihain ni Senador Joel Villanueva ang Senate Bill 2752 o ang panukalang Anti-POGO Act ilang araw matapos itakda ng Palasyo ang total ban sa POGO.
