NANINDIGAN ang pamunuan ng House Justice Committee na walang nilabag na batas nang isiwalat sa pagdinig ang report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa sinasabing bilyon-bilyong bank transactions ng mag-asawang Vice President Sara Duterte at Atty. Manases Carpio.
Para kay Batangas Rep. Gerville Luistro, na tumatayong chairperson ng naturang komite, malinaw ang motibo ni Carpio sa pagsasampa ng kaso laban sa mga kongresista at opisyales ng AMLC — pigilan ang paglabas ng mga ebidensyang magdidiin sa asawang bise-presidente.
“Let me state for the record, it has been the position of the committee that in as far as the proceedings at the Committee on Justice is concerned, we maintain the position that we did not violate any law,” wika ni Luistro sa panayam ng DZBB.
“Basta ang maliwanag, these are attempts to suppress the disclosure of this information,” dagdag pa niya.
Giit ni Luistro, labis ang pag-iingat ng komite sa isinasagawang pagdinig sa impeachment charges laban kay Duterte partikular sa paglalatag ng mga ebidensya at paghahayag ng salaysay ng mga impeachment resource persons.
Katunayan aniya, hindi direkta ang pag-subpoena sa mga bangko o bank records dahil batid nilang saklaw nito ng Bank Secrecy Law kung kaya AMLC report ang kanilang binusisi batay na rin sa nilalaman ng Anti-Money Laundering Act.
“Ang nirereport po ng AMLC is not the bank account. Ang nire-report po ay covered transactions and suspicious transactions,” paliwanag ni Luistro.
Binigyang diin rin ng lady solon na malinaw na isinasaad sa Bank Secrecy Law na ang impeachment cases ay hindi sakop ng confidentiality clause o pagbabawal na maisapubliko ang partikular na bank record.
Para naman kay House Committee on Public Accounts Chair at Bicol Saro Rep. Terry Ridon, hindi tuwiran o ganap ang confidentiality rule sa AMLC partikular ang nalantad na P6.77 billion na covered at suspicious transactions sa mga bank account ng mag-asawa.
“Hindi absolute ang AMLC confidentiality, lalo na kung ang pinag-uusapan ay bilyon-bilyong transaksyon sa isang impeachment proceeding,” ani Ridon.
“Ang AMLC ay may mandato na iproseso at ibahagi ang financial intelligence kung kinakailangan sa pagpapatupad ng batas,” dagdag niya.
Sinabi ng Bicol Saro PL congressman na ang layunin ng confidentiality ay para maiwasan ang pagtakas o pagtatago ng mga sangkot—hindi para hadlangan ang pananagutan.”
“Kapag may legal na proseso, maaaring ilabas ang impormasyon,” aniya pa.
Punto ni Ridon, “sa ilalim ng Konstitusyon, may kapangyarihan ang Kongreso na mag-subpoena ng mga dokumento at ebidensya bilang bahagi ng impeachment proceedings.”
“Ang kapangyarihang ito ay mas mataas kaysa sa anumang probisyon ng confidentiality sa ordinaryong batas,” saad pa niya.
“Sa huli, ang tanong ay hindi kung paano ito nalaman—kundi kung paano ito ipapaliwanag. And at the end of the day, iisa lang ang tanong—Saan nanggaling ang bilyon, at paano ito ipapaliwanag laban sa idineklarang yaman at kita?”
