Ni ESTONG REYES
SA hangaring pulsuhan ang posisyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan, hinikayat ng Senado ang pagdalo at paglahok sa ikinasang pagdinig sa panukalang amyenda sa 1987 Constitution ang mga kinatawan mula sa hanay ng mga negosyante at maging mga dalubhasa sa larangan ng ekonomiya.
Sa pagpapatuloy ng public hearing ng Senate Sub-Committee on Constitutional Amendments, partikular na inanyayahan ang mga kinatawan mula sa Makati Business Club, Philippine Chamber of Commerce and Industry, at Management Association of the Philippines, upang magbigay linaw sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa at pagbubukas foreign investment.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, hihingan din ng tinawag niyang “expert opinion” ang mga economic resource persons sa panukalang amyenda sa mga “restrictive” economic provisions ng 1987 Constitution.
Nakatakdang ipagpatuloy ang public heating bukas, Lunes, Pebrero 12.
“Sila yung mga sanay makipag-usap sa investors,” ayon kay Angara na nagpahayag ng paniniwalang makatutulong ang mga inanyayahan sa pagbabalangkas at pagpapasya ng komite hinggil sa nasabing usapin.
Pagtitiyak ni Angara, limitado ang talakayan sa economic provisions na nakakasagabal sa pagpasok ng foreign investments.
Kasama sina Senate President Miguel Zubiri at Senate Pro Tempore Loren Legarda, kabilang si Angarfa sa mga naghain ng RBH 6, na naglalayong amendahan ang tatlong constitutional economic provisions na may kaugnayan sa public service, education at advertising.
Paniwala ni Angara, dapat may ilang “flexibility” sa mga naturang economic provisions ng Constitution upang payagan ang bansa na makasabay ang Pilipinas sa takbo ng ekonomiya.
“Hindi tayo pwedeng sumabay sa kilos o hugis ng pandaigdigang ekonomiya. Yung ibang bansa nagpapasa lang sila ng batas, nagpapasa sila ng polisiya, tayo mag-aamyenda pa tayo ng Saligang Batas to adjust to economic trends worldwide,” aniya pa.
Sinisisi ng ilang may akda sa mahinang pagpasok ng foreign direct investment (FDI) sa mga di umano’y “restrictive at non-investor-friendly economic policies” ng umiiral na Saligang Batas, habang itinuturo naman ng mga kontrapelo ang malawakang katiwalian, red tape at pangangailangan ng malaking kapital para makapag negosyo.
Noong nakaraang linggo, inimbitahan ng Senate panel ang ilang legal luminaries tulad ng nina dating Chief Justice Hilario Davide, Associate Justice Adolf Azcuna, Associate Justice VV Mendoza at dating Commission on Elections Chairman Christian Monsod, na pawang constitutional experts.
IInaasahan din aniya ang paglahok ng ilan pang legal experts sa pagdinig na gaganapin sa mga susunod na linggo – kabilang ang mga miyembro ng 1986 Constitutional Commission tulad nina Commissioner Rene Sarmiento, dating Chief Justice Ricardo Puno, dating Justices Antonio Carpio at Artemio Panganiban, at propesor ng Constitutional Law mula sa University of the Philippines at Ateneo De Manila.
Imbitado din ang ilang nagsulat ng 1987 Constitution, sina Dr. Bernardo Villegas, Florangel Rosario Braid, at Ricardo Romulo. Magsasalita naman sa economic aspects sina National Scientist Dr. Raul Fabella, Emmanuel Maceda, at Dr. Joseph Angeles.
“Future hearings will include a specific session dedicated to the proposed changes to address the barriers to foreign investment to the education sector,” pagtatapos ni Angara.
