Ni ESTONG REYES
FALSE hope. Ganito inilarawan ni Senador Nancy Binay ang dala ng mga mambabatas sa likod ng mga panukalang nagsusulong ng mga pagbabago sa probisyon ng 1987 Constitution.
Sa isang panayam sa radyo sa unang linggo ng talakayan kaugnay ng Resolution of Both Houses No. 6, hayagang sinabi ni Binay na hindi solusyon ang Charter Change (ChaCha) para paunlarin ang bansang Pilipinas.
Partikular na tinukoy ni Binay ang planong pagsisingit ng linyang “unless provided by law” sa mga economic provisions ng 1987 Constitution.
“Hindi ito magic solution na kapag pumasa, mawawala na lahat ng problema natin o okay na ang ekonomiya ng ating bansa. And I think baka kailangan namin din, isa yan sa kailangan ibahagi din sa mga kababayan na kumbaga hindi lang ito ang solusyon,” sambit ng senador.
Base aniya sa mga survey, pangunahing alalahanin ng Pilipino ang mataas na halaga ng pangunahing bilihin.
“And then ‘di ba, parang kasi dito sa gagawin naming proseso, baka din false hope sa ating mga kababayan na kumbaga kapag binoto nila ito sa plebiscito, after one month okay na, bababa na ang presyo ng bigas, or bababa na ang presyo ng krudo, or maayos na ang problema natin sa kuryente. Pero hindi ganun ang mangyayari,” aniya.
Sinimulan ng Senado sa pamumuno ni Senador Edgardo “Sonny” Angara ang deliberasyon ng RBH6 upang amendahan ang tatlong constitutional economic provisions na may kaugnayan sa public service, education at advertising.
Sa unang pagdinig, inimbitahan ng subcommittee ang ilang resource person na kumakatawan sa proponents at opponents sa pag-amyenda ng 37-year-old Charter.
