HINDI bababa sa P7-milyong halaga ng ecstasy ang sinamsam ng mga listong operatiba ng Bureau of Customs – Port of Clark (BOC-POC) mula sa dalawang bagahe sa Clark International Airport.
Sa ulat ng kawanihan, isinagawa ang operasyon noong bisperas ng Pasko matapos maaninag ng X-ray Inspection Project Team ang kahina-hinalang kargamento sa isang air express warehouse.
Ang mga parcel na nagmula sa Austria at patungong Davao City ay idineklarang car mats ngunit natuklasang naglalaman ng kabuuang 4,124 ecstasy tablets.
Para makatiyak, ipinasuri sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kontrabando. Ang resulta — positibong droga.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, malinaw ang direksyon ng BOC ngayong 2026 — ang palakasin ang border protection, panatilihin ang mahigpit na pagbabantay, at patibayin ang koordinasyon sa mga law enforcement agencies laban sa ilegal na droga. (JULIET PACOT)
