ALINSUNOD sa kampanya ng pamahalaan kontra droga, nakatakdang suyurin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pribadong kumpanya para sa isailalim sa random drug test ang kanilang mga empleyado.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr, sisimulan ang pagdalaw sa mga pribadong kumpanya sa hudyat ng Mayo 25 bilang bahagi ng programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA).
“We are coordinating with the different employers in the Philippines – the big ones. And we are going to sign agreements with them as part of the BIDA Program,” ani Abalos sa ginanap na signing ceremony ng Memorandum of Understanding (MOU) para sa paglulunsad ng BIDA Workplace na magkatuwang na itinataguyod ng DILG at United States Agency for International Development (USAID)-RenewHealth.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, magkakaroon ng kani-kanyang programa at polisiya kontra droga ang mga pribadong kumpanya alinsunod sa panuntunan ng BIDA Program.
Isang halimbawa aniya ay ang pagsasagawa ng random drug testing ng mga empleyado.
“If one is found to be positive we will let the company handle the matter and enforce appropriate sanctions such as suspension, dismissal, or they can order their employee to undergo rehabilitation,” ani Abalos.