Ni ESTONG REYES
PARA kay Senate President Francis Escudero, hindi katanggap-tanggap ang kabiguan ng Philippine National Police (PNP) na matukoy ang lokasyon – higit lalo sa pag-aresto kay suspended Bamban Mayor Alice Guo.
“Oo, nakakahiya, kahiya-hiya para sa PNP na hindi magawa ito, lalo na na nandito pa naman daw sila sa bansa ayon sa Bureau of Immigration,” wika ni Escudero sa panayam.
“‘Di ba maraming akusado na mas malala pa nga ang krimen, mas malaki pa yung mga kaso na hindi rin nahuli?”
Gayunpaman, tiniyak ng lider ng Senado na hindi siya sang-ayon na bawasan ang pondo ng pambansang kapulisan – gayundin ang National Bureau of Investigation (NBI) na katuwang ng PNP sa paghahanap sa kontrobersyal na alkalde ng Bamban, Tarlac.
“Eh ‘di lalo nilang hindi makikita yung iba. Again, hindi naman ito carrot and stick na paparusahan mo kapag may mali, kapag hindi naubos ang budget. Kailangan tingnan natin lahat ng circumstances sa paligid noon,” paliwanag ni Escudero.
Una nang binalaan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang NBI at PNP na babawasan ang kanilang taunang budget kung patuloy na mabibigo dakpin si Mayor Guo.
Ang ultimatum na ibinigay ni Estrada – hanggang ngayong araw lang, Hulyo 31.
Nag-ugat ang warrant of arrest order ni Guo bunsod ng sadyang pagliban ng suspendidong alkalde sa mga pagdinig ng ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay ng usapin sa sinalakay na illegal POGO hub hindi kalayuan sa kanyang tanggapan sa munisipyo ng Bamban.
Bukod kay Guo, bigo rin ang PNP at NBI na dakpin ang iba pang may inisyuhan ng mandamiento de arresto.
Samantala, binawi na ng Senado ang arrest order kay pork barrel scam convict na si Dennis Cunanan matapos siputin ang Senate committee hearing nitong nakalipas na Lunes.
