HINDI malayong danasin ng anak ni former President Rodrigo Duterte ang buhay sa loob ng piitan, katulad ng pinagdaanan ni dating Senador Leila De Lima.
Sa isang panayam na unang lumabas sa Bilyonaryo News Channel, isiniwalat ni former Senator Antonio Trillanes IV ang nakatakdang paghahain niya ng kasong kriminal laban kay Davao City Rep. Paolo Duterte.
Garantiya ni Trillanes, pasok sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang asuntong haharapin ng batang Duterte
“Mabigat ang kaso na `to,” sambit ng dating senador.
Ayon kay Trillanes, may kaugnayan ang kasong ihahain laban kay Rep. Duterte sa kontrobersyal na P6.4-bilyong halaga ng shabu shipment na nakumpiska noong 2017.
Sa laki ng halaga ng kontrabando, naglunsad ng isang congressional inquiry ang senado kung saan kabilang sa mga iginisa ang noo’y Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio na asawa ni Vice President Sara Duterte.
Bukod kay Rep. Duterte, pasok din sa asunto si former Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Taong 2018 nang ibasura ng special fact-finding panel ng Office of the Ombudsman sina Rep. Duterte at Carpio dahil sa kakulangan ng basehan – subalit tinuluyan si Faeldon, Import Assessment Service Director Milo Maestrecampo, Risk Management Office Chief Larribert Hilario, at Accounts Management Office Chief Mary Grace Tecson-Malabed dahil sa paglabas sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
