SA kabila ng ultimatum na inilabas ng National Prosecutors Service Office, walang Senador Jinggoy Estrada na lumutang sa Department of Justice (DOJ) para sa pagsusumite ng kontra-salaysay sa reklamong graft kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
Gayunpaman, inamin ni Atty Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, hiniling ni Estrada sa kagawaran palawigin ang deadline para sa pagsusumite ng counter-affidavit.
Ayon kay Martinez, binigyan lamang ng hanggang Marso 12 ang senador para ipasa sa departamento ang kontra-salaysay. Sakali aniyang mabigo pa rin si Estrada, isusumite na ang kaso para sa resolusyon.
“Sen. Estrada requested for another extension to file his counter-affidavit. He was given a non-extendible period of 3 days or until March 12 by the panel. At which point, the case will then be submitted for resolution,”wika ni Martinez sa mga mamamahayag.
Samantala, naghain din ng mosyon si Estrada sa Sandiganbayan 5th Division kung saan dinidinig ang kasong graft kaugnay sa PDAF scam. Hiling ni Estrada, permiso para mag biyahe sa ilang bansa sa Asya kabilang ang Hongkong Macau at Japan mula Marso 31 hanggang Abril 5,2026.
Bukod sa Sandiganbayan, kailangan pa rin magpaalam ni Estrada sa Manila Regional Trial Court na unang naglabas ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) kaugnay naman sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Subalit sa panig ng DOJ, hindi dapat pagbigyan ang anumang mosyon na magpapawalang-bisa sa PHDO na inilabas ng Manila RTC laban kay Estrada. (JULIET PACOT)
