KINASUHAN sa Office of the Ombudsman si dating Health secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin at iba pang opisyal ng Department of Health dahil sa umano’y illegal na paglipat ng P3.556 bilyon mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund sa pagbili ng Dengvaxia vaccine noong 2015.
Nahaharap si Garin ng kasong graft and technical malversation charges sa Sandiganbayan.
Maliban kay Garin, kinasuhan din sina dating DOH undersecretary Gerardo Bayugo, undersecretary Kenneth Hartigan-Go, OIC director Joyce Ducusin, at dating Philippine Children’s Medical Center (PCMC) executive director Julius Lecciones.
Sina Hartigan-Go, Ducusin, at Lecciones ay kasama rin bilang co-defendants sa technical malversation charge.
Inirekomenda ng prosecutors ang bail bond na sa mga akusado ng P90,000 sa graft at P18,000 sa technical malversation.
Sa kanyang panig, sinabi ni Garin na masaya siya na naibigay na sa korte ang kaso at umaasang matatapos na ang kontrobersiya.
Nanindigan ang mambabatas na walang bahid ng korupsiyon ang pagbili ng mga bakuna at sa halip ay mga maling impormasyon ang idinikit rito. Idinagdag pa ni Garin na ang Dengvaxia ay nananatili sa listahan ng World Health Organization’s (WHO) sa mga importanteng bakuna.
“Our decisions and actions were all science-based. Globally, the Philippines got the cheapest price. The whole world is continuously using the vaccine. It is listed in WHO’s EML or Essential Medicines List which means all countries are mandated to make it available to its people at all times,” ayon sa kalatas na inilabas ni Garin.
At habang nabahiran ng kawalan ng tiwala sa bakuna, ito umano ay bahagi ng kanyang trabaho. “The nuance between pro-vaccine and anti-vaxxers is part of the challenges of doctors and vaccinologists like us. It’s a risk we take as part of our job to save lives thru vaccination,” ayon pa kay Garin.
Kinontra rin ni Garin ang alegasyon na ang pondo pa sa pagbili ng dengue vaccine ay para sa ibang layunin.
Ang Special Allotment Release Order (SARO) na inisyu ng Department of Budget and Management (DBM) ay nakalaan umano sa pagbili ng mga bakuna.
“The SARO is very clear. It was for dengue vaccine for Regions 3, 4A and NCR. We just followed the DBM-issued SARO. It would be better to thresh all of these in court so we can put an end to it,” dagdag pa ni Garin.
Kasama sa grupo ng prosecution witnesses sina lawyer Glenn Chong ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Eligio Mallari ng Vanguard of the Philippines Constitution Inc. at mga doktor na sina Anthony Leachon at Clarito Cairo Jr.