SA kabila ng paghihigpit sa mga daungan, patuloy pa rin ang pagpupuslit sa bansa ng mga produkto mula sa mga karatig bansa.
Sa isinagawang inspeksyon ng Bureau of Customs (BOC), nabisto ang tangkang pagpupuslit ng bulok na pulang sibuyas na ikinubli sa loob ng 26 na container mula sa bansang China.
Ang kabuuang halaga ng tumambad na smuggled na pulang sibuyas — tumataginting na P86.6 milyon.
Pag-amin naman ng BOC, inabandona ng consignee ang mga kargamento matapos mabigong bayaran ang P9.648-milyong buwis para sa 650,000 kilo ng agricultural products na inangkat pa mula sa China.
Batay sa beripikasyong isinagawa sa Manila International Container Port, deklaradong sibuyas ang laman ng 26 na containers na may kalakip na permit mula sa Bureau of Plant Industry.
Gayunpaman, hindi ini-release ng BOC ang mga nasabing kargamento sa dalawang dahilan — kabiguan magbayad ng karampatang buwis at ang mababang kalidad ng mga produkto.
