
Courtesy: Anadolu Ajansi
NILINAW ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naunang balita na lahat ng Filipino sa Gaza City ay nailikas na matapos ihayag ang Alert Level 4.
Sinabi ng DFA na may naiwan pang tatlong Filipino sa Gaza City sa kabila ng implementasyon ng mandatory evacuation ng pamahalaan sa ilalim ng Alert Level 4 ngayong Miyerkules, Oktubre 25.
“We’d like to correct something we’ve been saying. We’ve been saying all Filipinos have been evacuated to the south. There are apparently still three Filipino nationals in Gaza City, including a father and child who are in the hospital. So, that’s a concern,” ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega.
Matatandaan na inilagay ng DFA ang Gaza City sa ilalim ng Alert Level 4 noong Oktubre 15 dahil sa opensiba ng Israel laban sa Hamas militants sa nasabing lugar.
Naunang sinabi ng ahensya na may mga ilang Filipino ang nananatili sa Rafah border crossing malapit sa Egypt, habang ang iba ay umalis na rin sa northern Gaza o Gaza City na sentro ng kaguluhan.
“Everywhere is critical… Of course, the southern part is where it’s supposed to be safer but our kababayan themselves say they’re hearing airstrikes. It’s not as bad as the northern Gaza,” ani De Vega.
Tiniyak naman ni Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos kahapon na ligtas ang 136 Filipino sa Gaza na naipit sa giyera sa pagitan ng Israel at Hamas. Naghihintay na lamang umano ang mga ito na mapauwi sa Pilipinas.
Sa Israel, sinabi ni De Vega na nawawala pa rin ang dalawang Filipino roon, ang isa ay Israeli passport holder habang ang isa ay posibleng bihag pa rin ng Hamas.