NANAWAGAN ang binansagang ‘Young Guns’ ng Kamara sa lahat na magkaisa at mahigpit na labanan ang pagkakalat ng maling impormasyon o fake news partikular sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Kasabay nito, inihayag nina Congressmen Paolo Ortega V (La Union 1st District), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur 1st District), Jay Khonghun (Zambales 1st District), at Lordan Suan (Cagayan de Oro 1st District) ang kanilang suporta sa foreign policy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng giit na hindi dapat isuko ng bansa ang West Philippine Sea.
Giit ng mga kongresistang bahagi ng Young Guns, dapat sama-samang labanan ng mga Pilipino ang pagkalat ng maling impormasyon, partikular ang may motibong pahinain ang posisyon ng gobyerno sa WPS.
Bukod dito, dapat din anila protektahan ang katotohanan kaugnay sa karapatan ng bansa sa karagatang sakop nito.
Ginawa nina Ortega Adiong, Khonghun at Suan ang pahayag kasabay sa paggunita ng 2016 UNCLOS Ruling, na itinuturing na isang makasaysayang tagumpay na kinikilala ang karapatan ng Pilipinas sa WPS at pagbasura sa pag-angkin ng China.
“The UNCLOS Ruling is our clear proof that the West Philippine Sea belongs to us. We stand with President Marcos to protect it, but we must stop lies that mislead our people. This is about our fishermen and their families. We’re fighting for them by spreading the truth, not confusion,” sabi pa ni Ortega.
“These laws are our firm stand to safeguard our seas, ensuring every Filipino’s right to our waters is protected. They’re a promise to our fisherfolk and coastal communities that their livelihoods and our nation’s future are secure under the rule of law,” dugtong ng La Union solon.
Nauna rito, walang pakundangan tinuring ng Chinese ni Foreign Ministry spokesperson Lin Jian na ang UNCLOS Ruling ay isa lamang umanong “piece of waste paper” na “illegal, null and void, and non-binding.”
Ang posisyon na ito ng Chinese official, ayon sa Young Guns, ay isang malinaw na tangkang pahinain ang international law at ang lehitimong karapatan ng Pilipinas, kaya’t lalo pang lumalakas ang pangangailangang labanan ang mga kahalintulad na kasinungalingan gamit ang katotohanan at pagkakaisa. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
