
SA kabila ng mga agam-agam sa bisa ng programa, itinakda ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) ang unang sipa ng food stamp program ng pamahalaan sa Tondo, Maynila pagsapit ng Hulyo 18.
Sa kalatas ng DSWD, nasa 50 pamilya sa 3,000 na natukoy para sa programang ‘Walang Gutom 2027’ ng administrasyong Marcos ang target ng naturang inisyatiba.
Paglilinaw ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, nasa pilot run pa rin ang programa at patuloy na pinag-aaralan kung magiging epektibo ang programa para sa isang milyong pamilyang target ng ahensya.
“After six months ng takbo ng programa, ng pilot, tingnan natin iyong resulta. Kung maganda resulta, then we scale up, where it will be initially 300,000 na pamilya and then another 300,000 the year after hanggang sa maabot natin iyong isang milyong Pilipinong pamilya na food poor kung tawagin,” ani Gatchalian.
Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang programang “Walang Gutom 2027” ay tutugon sa mga kwalipikadong pamilya na tatanggap ng mga electronic benefit card na katulad ng mga tap card, na puno ng food credits sa halip na cash.
Pwedeng gamitin pambili ang naturang card sa mga accreditted retailers kabilang ang Kadiwa.
“Ang layunin nito ay bigyang kapangyarihan ang ating mahihirap na kababayan – ang mga mahihirap na pagkain nating mga mamamayan na makakapili nang tama na naaayon sa pangangailangan ng kanilang pamilya,” ani Gatchalian.
Gayunpaman, may mga kondisyon para sa mga kalahok ng programa, kabilang ang pagsunod sa isang restricted menu.
Ang menu ng mga available na pagkain ay maingat na ginawa ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), na may 50% inilaan para sa mga pagkaing mayaman sa carbohydrates, 30% para sa mga mapagkukunan ng protina, at 20% para sa hitik sa “good fats.”
“Gusto nating maturuan ang ating mga kababayan lalo na iyong mga food poor nating mga kababayan na bumili ng tamang pagkain, magluto ng tamang pagkain para over the past next four years na part sila ng program iyong social behavioral change – kasi ayon sa datos ng mga Pilipino marami pa ring maling mga pagkain na kinukunsumo,” anang DSWD chief.
Ang pilot program ay may pondong $3-million mula sa Asian Development Bank (ADB) at iba pang mga development partners.