KUNG meron man dapat ingatan, iyon ay ang pondong nalikom ng gobyerno mula sa dugo at pawis ng mga ordinaryong Pilipino.
Ito ang buod ng mensahe ni House Speaker Martin Romualdez kasabay ng paghahayag ng suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-ayon ang taunang badyet sa pambansang prayoridad at sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan.
Garantiya ni Romualdez, isusulong ang mga reporma sa proseso ng badyet at buksan ang deliberasyon ng bicameral conference committee at tutok ang pamumuhunan sa agrikultura, kalusugan, at paglikha ng trabaho.
“The President’s message was clear: make the government work better for the people. As Speaker, I am committed to making sure the budget reflects that – every centavo must go where it’s needed most,” wika ng House Speaker.
Ani Romualdez, handang kumilos ang liderato ng Kamara nang may determinasyon upang maisakatuparan ang matagal ng kinakailangang na mga estruktural na pagbabago sa proseso ng pambansang badyet.
Giit ng Leyte lawmaker, dapat isulong sa gagawing reporma ang pagkakaroon ng pananagutan, alisin ang mga hindi epektibong paggastos, at tiyaking direktang tinutugunan ang pangangailangan ng pamilyang Pilipino.
“This is not just about numbers, it’s about making sure families feel the impact of every peso we allocate,” dagdag pa niya.
Suportado rin ng lider-kongresista ang lumalakas na panawagan para sa transparency sa mga deliberasyon sa badyet, partikular sa bicameral conference committee kung saan pinag-iisa ang bersyon ng Senado at Kamara para sa pambansang badyet.
“No backroom haggling. The people have every right to know how their money is being spent. If we want trust, we have to earn it, starting with an open bicam,” diin ng House Speaker.
Bilang tugon sa mga prayoridad ng Pangulo, nangako si Speaker Romualdez na itutuon ang pondo sa mga sektor na may mataas na epekto gaya ng agrikultura, pampublikong kalusugan, at paglikha ng trabaho—lalo na para sa mga maralita at hindi napaglilingkurang komunidad.
“We need to put food on the table, ensure no family is crushed by hospital bills, and create jobs that restore dignity and hope. These are not abstract goals, they are urgent, real and long overdue,” sabi pa ng pinuno ng Kamara.
Nangako rin si Speaker Romualdez sa publiko na tatratuhin ng Kamara ang panukalang 2026 national budget nang may lubos na pananagutan at kagyat na aksyon, batid ang mga matitinding hamong kinakaharap ng bansa.
“No delay, no drama. The House will do its job with focus and compassion. Because at the end of the day, that budget isn’t about institutions. It’s about lives,” aniya pa.
Dagdag pa niya, sa ilalim ng kanyang pamumuno, magsisilbing maaasahan at responsable ang Kamara sa paghahatid ng tunay na reporma at makataong batas.
“We will legislate with purpose. Not for headlines, but for households. Not for applause, but for impact. That’s what this moment calls for, and that’s what the people deserve.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
