
PINABULAANAN ni Senador Win Gatchalian ang anumang partisipasyon sa isinasagawang reclamation project sa Manila Bay ng kompanyang pag-aari ng kanyang pamilya.
Inilabas ni Gatchalian ang pahayag bunsod ng lumabas na balita hinggil sa pagkabahala ng US Embassy sa Maynila.
Gayunpaman, kumbinsido ang senador na legal at sumailalim sa tamang proseso ang reclamation project ng pamilya sa Manila Bay.
“Ako personally hindi ako connected dyan. Hindi ko nga alam kung ano yung mga activities. But I know for a fact na yung mga gantong reclamation project… lahat yan dumaan ng proseso,” ani Gatchalian sa isang media forum.
Naunang inihayag ni US Embassy spokesperson Kanishka Gangopadhyay na patuloy silang nakikipag-usap sa gobyerno ng Pilipinas hinggil sa negatibong epekto ng reclamation project ng pamilya Gatchalian sa kapaligiran.
Ikinabahala din ng US ang pagkakasangkot ng Chinese company sa proyekto.
Pero, ikinatuwiran ni Gatchalian na tumanggap ng aprubal ang proyekto sa kiinauukulang ahensya ng pamahalaan.
“So my point of the matter there is that dumaan na yan sa proseso. Unfair naman sa mga gumagawa nito… Unfair naman na binigyan na sila ng permit tapos ngayon ka lang magrereklamo,” aniya.
Ang reclamation project ng kompanya ng mga Gatchalian — ang Waterfront Manila Premier Development Inc., ay planong gawing sentro ng residential at commercial buildings na kasama sa casino entertainment complex.
Mayroon itong 300 metrong setback mula sa Luneta, 250 metro buffer zone mula sa US Embassy.