Ni EDWIN MORENO
PARA kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, hindi napapanahon para imbestigahan ng Senado ang kontrobersyal na new model agreement sa pagitan ng Chinese diplomat at isang military official.
Pakiusap ni Teodoro kay Senate President Juan Miguel Zubiri, hintayin muna ang resulta ng internal investigation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng nasabing usapin.
Hindi rin aniya dapat mabulabog ang iba pang pinaniniwalaang sangkot sa gusot ng new model agreement, kasabay ng hirit na huwag palalain ang sitwasyon sa Ayungin Shoal na bahagi ng West Philippine Sea.
Kinumpirma naman ni Zubiri ang pakiusap si Teodoro.
“Ang request po kasi ng Department of National Defense, nag-usap kami may ongoing kasi na investigation (tungkol sa new model deal), may ongoing investigation sila internally,” wika ng Senate President sa isang panayam sa radyo.
Gayunpaman, nilinaw na Zubiri na payag naman si Teodoro sa isang executive session.
“So ang request po nila baka mabulabog po iyong investigation nila, kung pwede executive session,” dugtong ng senador.
Nang tanungin ang kanyang posisyon sa pakiusap ni Teodoro, sumang-ayon si Zubiri lalo pa aniya’t malaki ang implikasyon sa seguridad ng bansa ang “congressional investigation in aid of legislation.”
Kamakailan lang, sinibak sa pwesto si AFP Western Command chief Vice Admiral Alberto Carlos na pinaniniwalaang kausap ng Chinese diplomat kaugnay ng new model agreement. (dagdag ulat mula kay Estong Reyes)
