MALAKAS ang sigaw, mahina ang basehan. Ganito ang paglalarawan sa maingay at matapang ang pahayag ni Senador Imee Marcos sa Quirino Grandstand kung saan nagtipon-tipon ang mga kapanalig ng isang sektang nagpoprotesta kontra katiwalian sa pamahalaan.
Ngunit gaano man kalakas ang sigaw, hindi kayang punan ang katotohanan kung wala man lang katibayan — gaano man kabigat ang akusasyon.
“Kung seryoso ang paratang, dapat seryoso rin ang ebidensya. Hindi puwedeng puro galit at drama ang ihain sa publiko,” hayagang patutsada ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia laban sa mambabatas kaugnay ng umano’y paggamit ng droga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Para kay Goitia, hindi biro ang pag-akusa ng paggamit ng ilegal na droga, kasabay ng giit na dapat suportado ng test results, medical reports, o opisyal na dokumento — at wala aniya sa tatlo ang maiprisinta man lang ng senador na nakakatandang kapatid ni Pangulo.
“Walang pinakita. Walang pruweba. Puro salita,” ani Goitia, “Kung may ebidensya, ilabas. Kung wala, huwag paglaruan ang tiwala ng bayan.”
NEGATIVE SI MARCOS
Bago pa man sumabak sa halalan, inulan na ng paratang si Marcos ng mga kalaban sa pulitika.
Taong 2021 nang boluntaryong nagpa-drug test ang Pangulo sa St. Luke’s kung saan lumabas ang ang resulta sa pagsusuri — negative sa cocaine. Pinatotohanan din ng mga opisyal ng ospital sa Senado ang resulta sa drug test na ginawa kay Marcos.
“Hindi ito palabas. Ito ay dokumentado. Kung totoo ang paratang, dapat sana’y ito na ang unang nabangga ng kanilang kwento,” sambit ni Goitia.
LIZA KINALADKAD PA
Idinamay pa aniya ni Imee ang Unang Ginang Liza Araneta Marcos — isang taong may malinaw at maayos na rekord sa trabaho, at hindi umano dapat ginagawang kasangkapan sa pampulitikang drama.
“Kung walang sapat na ebidensya, hindi nararapat idamay ang kahit sino, lalo na ang Unang Ginang. Hindi ito ang uri ng serbisyo na dapat ibinibigay sa bayan,” bulalas ni Goitia.
Sa kabila ng ingay at paratang, tuloy ang trabaho ng Pangulo. May direksyon ang pamahalaan. May ginagawa. May nakikita ang tao. Hindi kilos ng isang taong sinisiraan.
“Makikita sa araw-araw na trabaho kung sino ang totoong naglilingkod. At malinaw iyon sa ginagawa ng Pangulo.”
PAMILYA WAG IDAMAY
Normal lamang naman aniya ang tampuhan sa pamilya, lalo na sa mundo ng politika. Pero hindi aniya dapat gawing dahilan para guluhin ang usaping pambansa, higit lalo sa panahon ng matinding pagsubok bunsod ng sunod-sunod na kalamidad.
Pinaalalahanan din ni Goitia si Imee — at iba pang kinikilala sa lipunan sa responsibilidad ng bawat opisyal — na maging maingat sa bigat ng salitang kanilang binibitawan hindi lang laban sa lider ng bansa kundi maging sa mga ordinaryong mamamayan.
“Sa halip na makatulong, nakakabigat pa sa problemang kinakaharap ng bansa natin ang ingay politikang wala naman kahit katiting na pruweba.”
PAWANG KATOTOHANAN
Ayon kay Goitia, ang sinumang maglalabas ng paratang ay dapat may kasamang matibay na patunay, at kung wala naman ay hindi dapat manggulo o magsimula ng pagdududa sa publiko.
Sa harap ng mas seryosong hamon ng bansa, hindi kailangan ang mga alegasyon na walang laman. Hangga’t walang malinaw na ebidensya, mananatiling kwento lang ang bintang at hindi dapat maging batayan ng paghusga. Ang kailangan ng bansa ay katotohanan na may substansya, hindi mga linyang walang bigat.
Si Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
