Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SINUMANG opisyal ng pamahalaan pananagutin sa abot ng umiiral na batas sa sandaling mabigo gamitin sa tama ang pondo ng ahensyang pinangangasiwaan kesehodang kaalyado sa politika.
Ito ang babala ni House Speaker Martin Romualdez sa pagbubukas ng pagtalakay sa plenaryo ng panukalang P6.352 trillion national budget para sa susunod na taon.
Hindi rin aniya pahihintulutan ng Kamara ang pagkukunwari, pag-iwas at kamalian pagdating sa paggastos sa kaban ng bayan.
Pagtitityak ni Romualdez, hindi palalampasin ng Kongreso ang pang-iinsulto sa mandato ng Kamara, kasabay ng pahayag ng kahandaan ng mga kongresista manindigan laban sa mga nagnanais na sirain at alipustain ang mababang kapulungan.
“We cannot ignore the reality that there are those who seek to undermine our work — critics who speak of accountability while conveniently ignoring their own misuse of public funds. To these individuals, I say, let us be clear: this chamber will not tolerate hypocrisy, nor will it stand idle in the face of such blatant disregard for public trust,” ani Romualdez.
“Hindi maaaring magturo ng daliri ang may sariling kasalanan. Sa harap ng Kongreso, lahat ay dadaan sa tamang proseso, at walang makakatakas sa pananagutan,” aniya pa, kasabay ng diin sa pagkakaroon ng full transparency.
Ayon sa Leyte solon, sa simula pa lamang ay naninindigan na ang Kamara sa tinawag niyang “principles of transparency and accountability” kung saan dapat aniyang busisiin ang bawat paggastos ng gobyerno alinsunod sa inilatag ng mga prayoridad.
Hindi din umano dapat palusutin ang mga tangkang paggamit ng kaban ng bayan sa sariling kapakinabangan ng ilan.
“Ang pera ng bayan ay hindi para sa pansariling pakinabang ng iilan. Tungkulin natin na tiyakin na bawat piso ay ginagamit para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” giit pa niya.
“Walang makakalusot sa ating pagsusuri. Tayo ang boses at mata ng taumbayan, at sa kanilang pangalan, tayo ang magbabantay laban sa pang-aabuso at korapsyon,” dagdag ng lider kongresista kasabay ng pangakong babantayan ng Kamara ang pera ng sambayanang Pilipino.
“As legislators, we are not only guardians of the national purse, but also stewards of the people’s trust. Every peso we allocate in this budget carries with it the sweat and sacrifice of millions of Filipinos, and it is our duty to ensure that these resources are spent wisely, effectively and with absolute accountability,” aniya pa.
“Patuloy nating itaguyod ang responsableng pamamahala sa pondo ng bayan, palakasin ang ating ekonomiya, at itaguyod ang kaunlaran ng bawat Pilipino tungo są isang Bagong Pilipinas,” panawagan ni Romualdez sa mga kapwa mambabatas.
“Together, we will deliver a budget that serves the best interest of the people, fulfills the goals of the eight-point socioeconomic agenda and contributes to the realization of the Philippine Development Plan 2023-2028.”
