WALANG plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patulan ang hamon ni former Executive Secretary Vic Rodriguez na sumalang sa hair follicle drug test bilang patunay na walang bahid ng droga ang lider ng bansa.
Sa isang ambush interview, hayagang tinabla ng Pangulo ang hirit ni Rodriguez na nagsilbing tagapagsalita ni Marcos sa loob ng pitong taon bago pa man naluklok sa Palasyo.
Giit ni Marcos, hindi sa resulta ng hair follicle drug test masusukat ang kakayahan ng isang lider sa pamumuno at paglilingkod sa publiko.
Una nang nanawagan si Rodriguez sa dating amo na sumailalim sa naturang drug test para tuldukan ang alegasyon sa paggamit ng ilegal na droga. Anang dating executive secretary ni Marcos, “public office is a public trust.”
“No, no. Why should I do that? What he’s saying public trust, public office, public has nothing to do with the follicle test. Wala namang koneksyon ang sinasabi niya.”
Para kay Marcos, tama lang na wala na sa Palasyo si Rodriguez lalo pa’t batid umano niya ang kahinaan ng dating punong katiwala sa usapin ng politika.
Pasaring pa ng Pangulo kay Rodriguez — “Kung naniniwala siya sa mga bulong-bulungan, bakit siya nagtrabaho sa kin?”
