SA mga panahon ng pagsubok, higit na kailangan manindigan ang mga Pilipino laban sa banta ng pananakop, ayon kay House Speaker Martin Romualdez kasabay ng panawagan sa mga Pilipino na sumapi sa Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA).
Para kay Romualdez, napapanahon na rin palakasin ang kapasidad ng Pilipinas sa larangan ng pagtatanggol sa nasasakupang teritoryo — kabilang ang West Philippine Sea na hayagang inaangkin ng bansang China.
“Hindi na ito panahon para magsawalang-kibo. Araw-araw, sinusubukan ng ibang bansa na angkinin ang ating karagatan. Kung tayo mismo ay hindi kikilos, sino pa ang magtatanggol sa atin?,” wika ni Romualdez na na-promote kamakailan bilang Auxiliary Vice Admiral ng PCGA.
Pag-amin ng lider ng Kamara, lubhang nakababahala ang aniya’y tumitinding tensyon sa West Philippine Sea dahil sa mga umano’y agresibong “disinformation” kabilang ang giit na bahagi ng China ang lalawigan ng Palawan.
Hindi rin aniya dapat ipag kibit-balikat ang panggigipit ng China Coast Guard sa mga civilian vessels na ang tanging hangad sa paglalayag ay maghatid ng pagkain, tubig, gamot at iba pang pangangailangan ng mga Pilipinong sundalo sa BRP Sierra Madre sa gawing Second Thomas Shoal.
Patuloy din aniyang tinataboy ang mga Pilipinong mangingisda, habang ang mga sasakyang pandagat ng Chinese militia ay nananatiling banta sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
“Walang bansang may karapatang mangharang ng ating mga sundalo, mangingisda, at kababayan sa sarili nating dagat. Hindi natin ito ipagpapalit sa takot o sa bulong ng iba. Ang West Philippine Sea ay atin—hindi lang sa papel, kundi sa tunay na buhay,” mariing pahayag pa ng House Speaker.
Ibinahagi rin ni Romualdez ang aniya’y dalawang taktika ng China — agresyon gamit ang lakas ng militar at disinformation sa internet upang pahinain ang paninindigan ng bansa, sukdulang magkawatak-watak ang mga mamamayan.
“Ginagamit nila hindi lang ang barko, kundi pati ang internet para pasunurin tayo. Isang araw, gigising na lang tayo at sinasabi na nilang hindi sa atin ang Palawan. Hindi natin ito palalampasin,” giit ng Leyte solon.
Binigyan-diin ni Romualdez na ang pangangalaga sa territorial integrity ng bansa ay hindi lamang responsibilidad ng militar.
Tinukoy rin ng lider-kongresista ang pagbibigay ng PCGA nang pagkakataon sa mga sibilyan na makibahagi sa pambansang depensa, seguridad sa karagatan, pangangalaga sa kalikasan, at pagtugon sa mga sakuna.
Dugtong niya, tumutulong din ang mga volunteer sa search-and-rescue missions, coastal cleanups, at marine biodiversity conservation. Nagbibigay rin sila ng kaalaman sa mga lokal na komunidad tungkol sa kaligtasan sa karagatan at nagbabantay laban sa ilegal na aktibidad sa dagat.
“Ang paglilingkod sa bayan ay hindi lang para sa mga nakauniporme. Lahat tayo may magagawa. Sa pagsali sa PCGA, mas marami tayong nagbabantay, mas malakas ang ating depensa,” ani Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
