
BAGAMA’T hindi na bago ang doktrinang “obey before you complain” sa hanay ng mga pulis at sundalo, hinikayat ni reelectionist Senator Ronald Dela Rosa ang mga unipormado na huwag sundin ang direktiba lalo pa’t hindi naaayon sa umiiral na batas sa bansa.
Giit ni Dela Rosa na nagsilbing pambansang hepe ng Philippine National Police (PNP), hindi dapat mawaglit sa kaisipan ng mga sundalo at pulis ang pangunahing tungkulin – ang maglingkod at protektahan ang mga mamamayan.
“Mga sundalo naman sila. I understand their situation, they are just following orders. Pero pag umabot sa punto dapat — kung nakikinig iyong mga kasundaluhan natin, mga kapulisan, pag umabot sa punto na iyong order na ibinibigay sa inyo ay very unconstitutional na at klaro na na may nilalabag ng mga batas, dapat tayong mga sundalo, mga pulis, mag-isip-isip din tayo,” wika ng Mindanaoan legislator.
“Dahil ang ating oath is to serve and protect, hindi po para mag-violate ng batas,” dugtong pa niya.
Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag kasabay ng pagkontra sa sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay ginamit para lamang suportahan ang operasyon ng PNP sa pag-aresto kay former President Rodrigo Duterte.
“Nobody can make an utos or an order to a secretary of National Defense kung hindi somebody above him. And who is above the secretary of National Defense? It is the President of the Republic of the Philippines, hindi ba?”
“Alangan naman iyong secretary of National Defense is taking orders from a general ng Armed Forces. It should be somebody from above. So, maliwanag pa sa sikat ng araw na presidente ang nagbigay ng order na iyon,” dagdag ng senador.
Bukod sa mariing pagkastigo, tahasang inilarawan ni Dela Rosa ang pag-aresto kay Duterte na isang kidnapping incident dahil ito aniya ay hindi dumaan sa tama o legal na proseso.
Sinegundahan ng reelectionist senator paunang resulta ng isinagawang pagdinig sa Senado na nagsasabing nalabag ang constitutional rights ng former President nang i-surrender ito ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).