MALABONG pagbigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hirit na dagdag-pasahe ng mga operator at tsuper ng mga pampasaherong jeep.
Sa regular press briefing sa Malacanang, nilinaw ni Palace Press Officer Claire Castro na ang pagtaas ng pamasahe sa mga bus ang tinututukan LTFRB.
“Ayon naman din po sa LTFRB, ang tungkol po sa hinihiling ng mga jeepney operators and drivers, mukhang hindi pa po napapanahon, premature, dahil po mayroon pong provisional fare increase sa halagang one peso,” wika ni Castro.
Ibinahagi rin ni Castro ang basehan sa pagtanggi ng pamahalaan pagbigyan ang kahilingan ng mga operator at tsuper ng pampasaherong jeep — “At ayon sa kanilang [LTFRB] computation, itong provisional grant na ito na fare hike na one peso ay nako-cover pa po ang fuel cost para sa jeepneys,” dugtong ni Castro.
“At ayon din po sa sinabi ni [LTFRB] Chair [Vigor] Mendoza, ang hiling naman din po ng mga jeepney operator at mga jeepney driver ay hindi particular sa fare hike kung hindi para labanan ang kolorum at katulad ng ating ini-report kahapon ay nilalabanan po, especially ang proyekto po ng LTO ni Asec. Lacanilao, nakakahuli po sila ng mga kolorum,” aniya pa.
“Pero ang priority po ngayon ng LTFRB kung magkakaroon po ng fare hike ay ang mga buses dahil wala po silang temporary fare hike. So, iyon po, ang priority po nila ay ang pag-uusap tungkol sa pag-increase ng pamasahe sa mga bus.” (LILY REYES)
