
WALANG katiyakan mananatili sa Pilipinas ang nasa mahigit 37,000 bagong graduate na nurse, ayon kay Quezon City Rep. Marvin Rillo.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng pagkadismaya si Rillo sa aniya’y pangingibam-bayan ng mga nurse sa mga bansa kung saan hindi hamak na mas mataas ng buwanang sweldo.
Mungkahi ni Rillo na tumatayong vice chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, pagsasabatas ng isang panukalang nagsusulong na itaas sahod ng mga nurse sa antas na P70,013 basic pay – mula sa umiiral na P40,208 buwanang sweldo.
Sa datos ng Professional Regulation Commission (PRC), bahagyang tumaas ang bilang ng mga bagong nurse kumpara sa 36,525 na naitala noong 2023. Gayunpaman, lubhang malayo pa rin sa 63,800 bagong nurse kada taon na naitala mahigit isang dekada na ang nakaraan.
“Largely due to the pressure to survive, some of them will likely try to seek immediate employment, even if it means taking on other jobs and not practicing nursing,” anang kongresista.
Marami rin umanong nurse nauuwi sa pagiging real estate agent, insurance agent, o car sales agent, bukod pa sa mga pinili na lamang pumasok sa business process outsourcing kung saan aniya higit pa sa P40,000 kada buwan ang posibleng ganansya.