
MATAPOS ang ‘pambobomba’ ng Chinese Coast Guard sa sasakyang dagat ng Pilipinas na naglalayag sa West Philippine Sea para maghatid ng pagkain at gamit sa mga sundalong Pinoy na nakahimpil sa BRP Sierra Madre, nanawagan ang isang militanteng senador sa iba pang Asyanong bansa na manindigan at supilin ang pambabarako ng China sa Pasipiko.
“I hope our country can start joint patrols with other claimant countries in the SCS, such as Vietnam, Malaysia, Indonesia, and Brunei. Kailangan nating magtulungan para mapahinto ang mga agresibong aksyon ng Tsina,” ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Sa isang pahayag, kinondena rin ni Hontiveros ang China sa patuloy na panghihimasok at panunuwag sa barko ng Pilipinas na naglalayag sa loob ng sariling teritoryo – “Mariin kong kinokondena ang marahas na pagharang ng Tsina sa ating mga barko sa sarili nating teritoryo!”
Para kay Hontiveros, malinaw na Pilipinas ang may karapatan at soberanya sa naturang bahagi ng karagatan, batay na rin sa 2016 Arbitral Ruling.
“Wala silang karapatang gutumin ang mga Pilipino sa Ayungin Shoal,” ani Hontiveros na nasa likod ng pinagtibay na resolusyon ng Senado kung saan hinihikayat ang administrasyong Marcos na idulog sa United Nations General Assembly ang panggigipit, panghihimasok at paglusob ng China sa teritoryong sakop ng Pilipinas.
“China’s repeated provocations are in complete violation of UNCLOS and the 2016 Arbitral Award. I call on our regional neighbors and the broader international community to join the Philippines in condemning this dangerous behavior,” aniya pa.
Maging si Senate Majority Leader Joel Villanueva, hindi na nagawang ikubli ang pagkadismaya sa China kaugnay ng ikatlong ‘pambobomba’ ng Chinese Coast Guard sa mga Philippine Coast Guard at maging sa mga mangingisdang Pilipino.
Ayon kay Villanueva na kabilang sa mga lumagda sa Senate Resolution 718 na dapat nang matigil ang bullying ng China sa mga lokal na mamamayan partikular ang Philippine Navy at mangingisdang Pilipino.
“We need to have a strong stance against the continuous harassment of the Chinese Coast Guard on our Philippine Coast Guard – in our very own territory! This is the reason why the Senate adopted Resolution No. 79 strongly condemning incursions like this. Your Senate is always ready to fight for and protect the country’s sovereignty and sovereign rights. We urge the Department of Foreign Affairs to implement the courses of action stipulated in the resolution passed by the Senate to finally put an end to this harassment and bullying by China,” pahabol ni Villanueva.