MATAPOS sipain sa YouTube, napipinto naman ang pagsibak ng iba pang social media accounts ng kontrobersyal na dating presidential spiritual adviser at social media pages na gamit ng kanyang himpilang Sonshine Media Network International (SMNI).
Hiling ng dalawang grupo ng mga kababaihang nakabase sa Estados Unidos sa pangasiwaan ng Facebook, tanggalin sa kanilang platform ang account/ pages ni Pastor Apollo Quiboloy at ng kanyang SMNI.
Paniwala ng US-based women’s groups, nagagamit ang SMNI sa human trafficking ni Quiboloy – bukod pa sa di umano’y pagpapalaganap ng maling impormasyon at red-tagging sa mga indibidwal at grupong taliwas sa posisyon ng Pastor.
Hindi rin dapat kaligtaan na kabilang si Quiboloy sa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at kinasuhan ng federal grand jury bunsod ng labor at sex trafficking scheme, kung saan siya at iba pang miyembro ng kanyang megachurch, Kingdom of Jesus Christ , ay nanloko upang makakuha ng visa para sa kanilang mga miyembro at makapanatili sa Amerika.
Pinuwersa anila ng KJOC ang mga miyembrong pinapunta sa US na mag-asawa roon o mag-solicit ng mga donasyon para sa kanilang organisasyon.
“Quiboloy is a menace to society who raped children as young as 11 years. By allowiung Quiboloy the use of their platforms, META and Twitter are aiding and abetting the trafficking and abuse of women and children,” anang US-based women’s groups.
“He uses his online presence, which has a captive audience of millions, to lure women and children and falsely discredit his crimes and charges against him. Moreover, alowing Quiboloy and SMNI to keep their platform means META and Twitter are ignoring US government sanctions against Quiboloy,” dagdag nila.
Magugunitang kamakailan ay tinanggal ng You Tube ang channel ni Quiboloy bilang pagtalima sa US sanctions laws na ipinataw sa KOJC founder.
“Quiboloy should be de-platformed and prosecuted,” sabi ni Malaya Movement USA Vice Chairperson Tabitah Ponciano.
May online petition din na isinulong ang US-Based women’s groups hinggil sa hirit nila sa META at Twitter laban kay Quiboloy.