TALIWAS sa mga unang pagtataya, wala nang dapat pang ikabahala ang mga residente ng Metro Manila, batay na rin sa pinakahuling resulta ng pagtataya ng OCTA Research Group.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, nasa low risk na sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR) matapos bumaba pa sa 5% na lang ang 7-day testing positivity rate na pasok sa 5% threshold na itinakda ng World Health Organization (WHO) para sa positivity rate ng COVID-19.
Sa datos na ibinahagi ni David, naitala ang naturang 5% positivity rate noong Hunyo 30, 2023.
Mas mababa ito sa 5.9% noong Hunyo 23, 2023.
“NCR 7-day testing positivity rate dropped to 5% as of June 30, 2023, from 5.9% on June 23. NCR is at LOW risk,” tweet pa ni David.
Samantala, iniulat din naman ni David na ang COVID positivity rate sa Albay ay tumaas pa mula sa 14.8% ay naging 21.6% habang ang volcanic activity sa bulkang Mayon ay patuloy na nadaragdagan.
Ito’y bunsod na rin aniya ng patuloy na pagdami ng mga taong nagtutungo sa mga evacuation areas.
Ang positivity rate ay ang porsyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID mula sa kabuuang bilang ng mga pasyenteng isinailalim sa pagsusuri.