USAP-USAPAN sa Malakanyang ang panibagong bulilyasong nagdadawit sa pangalan ni Bamban Mayor Alice Guo na di umano’y nagmamay-ari din ng sinalakay ng POGO hub sa bayan ng Porac sa lalawigan ng Pampanga.
Partikular na batayan ng mga hindi pinangalanang opisyal sa Palasyo ang pahayag na inilabas kahapon ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio.
Ayon kay Casio, ikabibigla ng publiko ang resulta ng imbestigasyon ng ahensya sa pagkakakilanlan ng may-ari ng 10-ektaryang complex sa Sitio Pulung Maba, Barangay Santa Cruz sa bayan ng Porac.
Bago pa man ikinasa ang ikalawang pagsalakay ng pinagsanib na pwersa ng PAOCC at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa POGO hub ng Lucky South 99 Outsourcing Incorporated sa Porac, sinabi ni Casio na posibleng konektado ang naturang establisyemento sa POGO hub sa bayan ng Bamban na sakop ng lalawigan ng Tarlac.
Ayon kay PAOCC executive director Usec. Gilbert Cruz, kinailangan pa muna nila kumuha ng search warrant sa San Fernando Regional Trial Court para pasukin ang Lucky South 99 Outsourcing Incorporated sa paniwalang may mga biktima ng kidnapping pang nasa loob ng naturang POGO hub – bukod pa sa dalawang Chinese nationals na inabutan habang nakaposas, may mga sugat at bakas ng pasa.
Hindi nila aniya nagawang halughugin ang gusali sa unang raid dahil patay na ang ilaw at sarado na rin ang establisyemento. Gayunpaman, nasukol ng mga operatibang nakatalaga sa check malapit sa Fil-Am Highway na sakop ng Angeles City ang nasa 158 banyaga.
Wala pang pahayag si Mayor Guo — na una nang sinuspinde ng Office of the Ombudsman, hinggil sa bago pero kahalintulad na pasabog na kumakaladkad sa kanyang pangalan sa iba’t ibang krimen na nakakubli sa likod ng illegal POGO operations.
