
SA kabila ng inihayag ng posisyon ng Palasyo laban sa isinusulong na imbestigasyon ng International Criminal Court kaugnay ng madugong giyera kontra droga, nagawa pa rin tapusin ng ICC ang pangangalap ng testimonya at ebidensya mula sa mga naulila ng mga biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pag-amin ng Bureau of Immigration (BI), wala pang impormasyon ang nasabing tanggapan kung nasa Pilipinas na ang mga itinalagang ICC investigators para sa pangangalap ng impormasyon hinggil sa kasong inihain sa ICC laban kay Duterte..
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, hindi nakikipag-ugnayan ang ICC sa nasabing ahensya, gayundin sa kinaroroonan ni ICC Prosecutor Kharim Khan – kung totoonng nasa Pilipinas nga.
Sa panig ng Department of Justice (DOJ), sinabi rin ni DOJ spokesperson Asst. Secretary Mico Clavano na posibleng hindi si Khan kundi ibang ICC-designated investigator ang pumasok sa bansa.
Umaasa naman ang DOJ na magpapasintabi sa gobyerno si Khan kung papasok man sa bansa – “And for them to come in and to avoid detection, siyempre medyo ayaw natin yon dahil medyo parang pinapasukan tayo ng dayuhan na wala namang timbre,” giit ni Clavano.
Muling iginiit ni Clavano na gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa at hindi kailangang tumakbo ang sinuman sa ICC.